Halos 400 Pinoy crew lampas 1 buwan nang stranded sa cruise ship sa Florida
Mayo 1, 2020 https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/pinoyabroad/736436/halos-40...
Mahigit isang buwan nang stranded sa Oasis of the Seas cruise ship ang nasa 400 Filipino na cruise ship workers sa Florida sa Amerika sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni Shai Lagarde sa "Stand for Truth," sinabi ni Charissa Tutor, Restaurant Crew ng Oasis of the Seas, na huli silang nagbaba ng pasahero noong ika-15 ng Marso.
Ito raw ang huling sign off o pagbaba ng mga guest at crew member na tapos na ang kontrata. Pero ang mga natira, nasa barko pa rin hanggang ngayon.
Ayon pa kay Tutor, halos 1,800 crew members ang hindi pa nakauuwi sa kanilang mga bansa, at kabilang rito ang nabanggit na halos 400 na Pinoy.
Sa Mayo 31 pa magtatapos ang kontrata ni Cha kaya isa siya sa mga naiwan on board nang lumala pa ang banta ng COVID-19.
"March 24, ready na ako nu'ng umuwi, kaso cancelled kasi, may New York tsaka Abu Dhabi, nagclose 'yung Abu Dhabi. Natatakot ka nang mag-work, especially may cases kami," ayon kay Tutor.
Inanunsyo noong Marso 29 ng Oasis of the Seas ship captain na merong 14 kaso ng COVID-19 sa barko. Agad namang dinala sa ospital at na-isolate ang mga pasyente.
Gayunman, pumanaw si Dexter Joyosa, 27-anyos na bartender, noong Abril 12.
Sa ngayon, 150 na lang ang naka-duty para mangalaga sa pang-araw-araw na pangangailangan ng lahat.
Ayon sa ulat, pinanghihinaan na rin ng loob sina Tutor at kaniyang mga kasamahan dahil limang beses nang naudlot ng kanilang repatriation.
Ipinaliwanag naman ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Meñez na naaantala ang plano ng mga kumpanya dahil sa dami ng cruise line na nagsisikap mapauwi ang kanilang crew.
Sinabi naman ng pamunuan ng Royal Carribean Cruises na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad para masiguro ang kaligtasan sa pag-uwi ng crew members. —Jamil Santos/LBG, GMA News