Bilang ng nade-deploy na OFW tumaas ngayong 2021: POEA
Zen Hernandez/ABS-CBN News Sep 23 2021 https://news.abs-cbn.com/news/09/23/21/poea-bilang-ng-deployed-ofws-tuma...
MAYNILA- Bahagyang tumaas ang bilang ng mga nade-deploy na overseas Filipino workers, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration.
Ayon sa POEA, nasa 30,000 kada buwan ang deployment ng land-based OFWs habang 40,000 ang sea-based.
Nasa 50 porsiyento na ito ng karaniwang deployment bago ang pandemya.
Mas mataas din ito kaysa noong 2020 kung saan 70 porsiyento ang ibinagsak ng mga oportunidad sa ibang bansa.
Nagbabala naman ang POEA sa nag-aalok ng trabaho sa mga dating apps.
"Maging mapanuri kung kayo ay OFW. Lalung-lalo na iyong pong mga partner po ninyo diyan sa dating application na iyon ay nag-o-offer ng mga employment opportunities. Huwag po kayong papatol at sigurado po kayo magiging biktima na ng online scam," ani POEA Administrator Bernard Olalia.
Pinaka-in demand pa rin ngayon ang Pinoy health care workers sa UK, Germany, Saudi, Qatar at Kuwait.
Nagpapatuloy rin ang deployment ng mga Pinoy seafarer sa mga cargo vessel at nagsimula na ang demand sa cruise ship.
Pero ayon sa Society of Hong Kong Accredited Recruiters in the Philippines (SHARP), 30 porsiyento pa lang sa halos 4,000 stranded OFWs ang nakakaalis pa-Hong Kong.
Hanggang 50 OFW lang kasi ang pinapapasok ng Hong Kong kada araw at limitado rin ang quarantine rooms.
Dahil dito, umapela ang grupo sa mga counterpart nila sa Hong Kong.
"Kung meron din kaming gustong hilingin naipapadaan nila sa kanilang government like 'yung mag-add pa sila ng mga rooms at dagdagan pa 'yung kanilang quota daily ng pagpapaalis," ani SHARP President Madolyn Uanang.