You are here

Tugboat at 10 nitong crew na nawawala sa kasagsagan ng bagyong Odette, pinaghahanap

Tugboat at 10 nitong crew na nawawala sa kasagsagan ng bagyong Odette, pinaghahanap
Jamil Santos Disyembre 24, 2021 https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/promdi/815846/tugboat-at-10...

Patuloy na pinaghahanap ang isang tugboat at 10 nitong crew na iniulat na nawala sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Odette sa Cebu. Ang isa sa mga tripulante, natagpuan pero patay na.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing "missing" pa rin hanggang ngayon ang MV Strong Trinity na naka-angkla sa karagatan na sakop ng Talisay City bago manalasa ang bagyo.

Hindi na nakita pa ang tugboat pagkaraan ng bagyo.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), posibleng tinangay ang tugboat ng malakas na hampas ng alon patungo sa karagatan na sakop ng Naga City.

Magsasagawa ang Coast Guard ng diving operations para hanapin ang vessel para alaming kung lumubog nga ito.

Giit ng mga awtoridad, mahihirapan sila sa gagawing operasyon dahil sa lalim ng dagat.

Samantala, natagpuang wala nang buhay ang isang crew, at isa naman ang nakaligtas sa isinagawang search and rescue operations ng Coast Guard.

Dagdag ng Coast Guard, nahihirapan sila sa komunikasyon at sa pamilya ng mga tripulante dahil sa problema sa signal.

Nagpahayag ang Key West Shipping Line Corporation, kumpanyang nagmamay-ari ng MV Strong Trinity, na tutulong sila sa search and rescue operations at nangako ng agarang tulong sa mga pamilya ng mga tripulante.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News