You are here

Dating seaman na nangako ng trabaho sa barko kapalit ng pera, timbog

Dating seaman na nangako ng trabaho sa barko kapalit ng pera, timbog
Dennis Datu Jan 25 2023 https://news.abs-cbn.com/news/01/25/23/dating-seaman-na-nangako-ng-traba...

Arestado ang isang dating seaman sa Lumban, Laguna matapos pangakuan na makakasakay sa barko ang nasa 100 seafarer kapalit ng malaking halaga ng pera.

Hinuli ng pulisya sa entrapment operation ang 32 anyos na suspek na si alyas "Idan."

Hiningan umano ng suspek ng P120,000 hanggang P200,000 ang mga aplikanteng seafarer kapalit ng pangakong makakapagtrabaho agad ang mga ito sa cruise ship.

Ayon sa isang biktimang si alyas "John," nagbayad siya ng P150,000 noong Hunyo 2022 pero hanggang ngayo'y hindi pa nakakasampa sa barko.

"Nanghihinayang [ako] gawa ng inutang ko pa 'yon eh. Kaya kapag nakasampa ako, doon ko sana babayaran 'yong inutang," ani John.

Assistant cook naman ang inaasam na trabaho ni alyas "Alex" sa barko.

"Pampuhunan sana namin sa business. Sinugal namin kasi pinangakuan na makaalis kami," kuwento ni "Alex."

Ginagamit umano ng suspek ang pangalan ng manning agency na CF Sharp Crew Management para makapag-recruit ng mga seafarer.

Dati rin umanong seafarer ng nasabing agency ang suspek kaya may koneksiyon ito.

Todo-tanggi naman ang suspek sa paratang.

Ayon naman sa manning agency, iniimbestigahan na nila ang kanilang empleyado na ikinanta ng suspek na kaniyang kasabwat.

Nilinaw ng ahensiya na walang dapat bayaran na kahit ano ang seafarer na naga-apply sa kanila.